ANG GURYON
Tula ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo anak, itong munting guryon,
Na yari sa patpat at papel de Hapon
Magandang laruang pula, puti, asul,
Na may pangalan mong gitna naroroon.
Ang hiling ko lamang bago paliparin,
Ang guryong mong ito ay pakatimbangin;
Ang solo't paulo'y sukating magaling
Nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.

Saka, pag humihip ang hangin, ilabas
At sa papawiri'y bayaang lumipad;
Datapwat ang pisi'y tibayan mo, anak
At baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin ma't hindi, balang-araw; ikaw
Ay mapapabuyong makipagdagitan;
Makipaglaban ka, subalit tandaan
Na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
Matangay ng iba o kaya'y mapatid;
Kung saka-sakaling di na mapabalik
Maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ng guryon, marupok, malikot,
Dagiti't dumagit saan man sumuot...
O, paliparin mo't ibalik sa Diyos,
Bago patuluyang sa lupa'y sumubsob!

0 comments:

Post a Comment

 
Copyright © dadadadarwin! :)